Sunday, September 27, 2015

HENERAL LUNA

“Ang taong may damdamin ay hindi alipin.”
The following review will mostly be in Filipino but the verdict will be in English. Ang ironic kaya magsulat sa wikang Ingles tungkol sa pelikulang kontra-Amerika.

Sino nga ba si Antonio Luna? Isa raw siyang bayani noong Philippine-American War ayon sa HeKaSi teachers natin. Sinabi rin nila na maganda ang buhay, edukado at marangya raw tayo noong panahon ng mga Amerikano. Pero bakit nagkaroon pa rin ng mga bayaning katulad nila Luna, Sakay at Malvar? Bakit marami pa ring nagbuwis ang buhay? Hindi ka ba nagtataka?

Ang kakaiba sa biopic na ito ay ilalatag niya agad sa’yo ang kanyang layunin na para kang isang sundalo na sinabak sa giyera. “Heto ang plano. Nariyan ang mga makakasama mo. May tatakbo, may magpapakamatay, may bigla na lang mapuputukan ng ulo at may mananatiling lumalaban. Ikaw na ang bahala.” Kapana-panabik ang bawat eksena kahit alam mo na kung ano ang kahihinatnan ng trahedyang ito. Nakuha niya ang pagiging nakakabaliw ng giyera at malungkot na katatawanan ng pulitika. Napakarami niyang gusto sabihin ngunit ang pokus ay nanatili sa isang mensahe lang, “Walang makakamit na kalayaan kung tayu-tayo ay nagpapatayan.”

Makulay ang Pilipinas. Andaming lahi, andaming etniko, andaming relihiyon, andaming pinaniniwalaan. Buhay na buhay ang kompetisyon sa bansang ito. Pero sa botohan at pagbatikos sa kapunuan ay nagkakawatak-watak tayo. Ganito na ba tayo habambuhay?  Marahil, ngunit hindi pa rin dapat itupi ang bandera hangga’t may mga bayaning magpapatuloy ng laban para sa kapayapaan.

Gaano mo ba kakilala si Antonio Luna de San Pedro y Novicio Ancheta? Ang pagkakaalala ko lang kasi mula sa aking mga guro ay isa siyang malupit at mapangahas na heneral. Inilahad ng pelikulang ito ang kanyang nakaraan, pamamahala at mithiing nauwi sa kabiguan. Hindi siya simpleng tao. Nagkakamali rin siya. Siguro ang pinakamalaking mali niya na nagdulot sa kanyang pagkamatay ay ang pagiging malayo sa ilan niyang pinamumunuan. Dapat tayo matuto rito, lalo na yung mga lumalaban para sa tamang dahilan. [Medyo off topic] Paano natin ito maiaapply ngayon? Siguro ay ang pagiging medyo mapakumbabang approach sa masa. Wag magmataas at sabihing para sa bobo lang ang AlDub. Learn how to be with them in order to get their respect and earn their trust. Hindi lahat nadadala sa takot, hindi lahat may pakealam sa technical words mo at hindi lahat ay madaling kausap.

Binigyan din nito ng dimensyon si Emilio Aguinaldo. Hindi siya purong kontrabida o superhero. Tao rin siya na naiimpluwensiyahan at nakokonsensiya. Ang pelikula ay nakasentro kay Luna pero may dalawang mas mahalagang karakter dito: Sina Joven at Apolinario Mabini. Si Joven ang kumakatawan sa millennials na ginawang bingi ng nakapaligid sa kanila samantalang si Mabini ang mga Pilipinong gusto magsalita ngunit hindi makatayo para sa katarungan. Ang sakit malaman na isa ka ring Mabini ngunit mas masakit malaman na hindi siya kilala ng maraming bata ngayon. Wag natin sila tawaging bobo. May mali sa curriculum at vanity-feeding generation na ito. Tamang eduaksyon at paggabay ng magulang ang solusyon.

Hindi siya purong anti-Amerika ah. Pinakita dun na naging katulad din nila tayo na nakipaglaban para sa kalayaan. Yun nga lang, watak-watak tayo kaya hindi naging kasing matagumpay nila. Siguro ang kino-condemn lang nito sa Amerika ay ang hindi pagtuto nito sa kanilang pinagdaanan. Naging sakim din sila tulad ng mga nanakop sa kanila. Ang sakit nung sinabi ng isang Kano na pinatay natin ang kaisa-isang heneral na mayroon tayo.

Sinong nagsabing patay na ang sineng Pilipino? Puñeta! Hindi lang sa mga gawa ng Star Cinema, Regal at Viva sumasaklaw ang mga pelikula natin. Ang dami kayang magaganda at makabuluhang pelikula ngayon! Nawa’y makatulong ito sa pagtaas ng kamulatan natin at antas ng pangtangkilik sa pelikulang Pilipino.

Bagama’t naging ground-breaking at critically-praised ang pelikulang ito, hindi siya perpekto. May pacing issues sa unang kalahati ng pelikula… lalo na sa eksena ni Isabel. Hindi para sa lahat yung komedya nito. May kilala akong hindi natuwa at sinabing napakababaw ng eksena sa tren. Hindi rin maipagkakaila na halos walang saysay ang pagpapakilala kay Lt. Garcia (Ronnie Lazaro) at hindi masyadong nagamit ang magkapatid na Bernal (Alex Medina, Art Acuña). Sayang na hindi nabanggit yung military school na itinatag ni Luna. May nagsasabi ring na-over-glorified si Antonio Luna at OA yung pagpatay sa kanya. Magkaiba lang siguro kami ng nakitang output pagkatapos manood. Yung iba nakulangan sa aksyon at pagpapakita ng talino ni Luna sa digmaan. Okay lang naman ang mga yun. Nanggalaiti lang ako sa mga nagkukumpara kina Luna, Marcos at Hitler. Magkakaiba ang layunin ang tatlo, for God’s sake!

Hindi ko na iisa-isahin ang cast. Basta lahat sila magaling lalo na sina John Arcilla, Epy Quizon at Nonie Buencamino. May napakalupet na moment pa si Archie Alemania. Walang tapon kahit may ilang kulang sa pagpapakilala. May mga artista pa ngang ginulat ako dahil nandun din pala sila. Mahusay ang produksyon. Akma yung color grading sa papalit-palit na tono at mahusay ang pagkakuha sa mga intense na eksena, lalo na yung guitar solo. Maganda rin yung paglapat ng musika kahit mas trip ko yung mga tahimik na eksena. Narinig ko na 'to kay Jerrold Tarog mula pa nung Sana Dati. Nakakatuwa na naging matagumpay ang resulta matapos ang matinding pinagdaan ng produksyon nito. Sana matuloy at maging matagumpay din ang sequels tungkol kina Del Pilar at Quezon.

[SPOILER] Napakaraming tumatak pero apat na eksena ang hindi ko malilimutan dito. Una ay ang one-take flashback sa buhay ni Luna na hindi ko pa nakikitang ginawa para sa isang biopic. Pangalawa ang nakakakilabot na wakas. Ikatlo ang maikling focus kay Mabini habang unti-unting dinedemonyo nila Paterno si Aguinaldo. At ang pinakapaborito ko ay ang mala-Spolarium na paghila sa bangkay nila Luna at Paco Roman. Ironic talaga no? Maging si Hesukristo ay hindi nakatakas sa pagtataksil at pagpatay sa Kanya ng mga kababayan Niya. Mahalaga na matuto tayo sa kasaysayan, kahit anong baluktot ng pagkasulat nito sa textbooks. Ika nga nila, “History repeats itself.”

Dati ko pa sinimulan isulat ang rebyung ito. Hindi ko lang matapos-tapos dahil hindi ako makuntento. Pakiramdam ko nga’y marami pa akong na-miss kahit ang haba na ng rebyu ko rito. Manood na lang sana tayo at matuto. Congrats sa tagumpay at pagiging kinatwan ng bansa sa nalalapit na Oscars!

Erratic, lunatic but drastically on point. Heneral Luna aims to deliver a powerful message more than to glorify its subject. This film was not made for money nor art. It’s a battle cry for every Filipino to stand up against the giants and fight for our freedom. The inconsistent tone and inexactness to some historical events were minor flaws compared to its advocacy, world-class production and powerhouse ensemble.

LUNATASTIC ★★★★½
Please like and share The Movie Bud if you enjoyed the review.
Maraming salamat sa pagbabasa!